Monday, November 2, 2009

Ang Hijab

Hangad ng Islam na pangalagaan ang pamilya sa pagkalansag at pagguho. Pinaligiran nito ang pamilya ng matatag na pader ng mga kagandahang asal at moralidad upang manatiling ang mga kaluluwa ay malusog at ang lipunan ay malinis: hindi naaantig ng mga malaswang hilig at hindi nabubulabog ng mga tawag ng laman. Naglagay na ito ng mga hadlang upang pigilin ang mga pampapaantig na nag-aanyaya sa tukso. Kaya ipinag-utos nito sa panig ng lalaki at babae na ibaba ang tingin.
Isinabatas ni Allah ang Hijab para sa babae bilang pagpaparangal sa kanya, upang pangangalagaan ang kanyang karangalan laban sa kadustaan at kahihiyan, upang ilayo siya sa panliligalig ng mga buktot at mga halang ang kaluluwa, upang ipagsanggalang siya laban sa mga taong hindi kumikilala sa halaga at kabuluhan ng kagandahang asal, upang ipinid ang pinto ng tukso na idinudulot ng nakalalasong tingin, at upang bakuran ang kanyang dignidad at ang kanyang puri ng muog ng paggalang at pagpapahalaga.
(1) Ang Hijab sa literal na kahulugan nito ay tabing. Ngunit ayon sa pakahulugan nito sa Batas ng Islam, ang Hijab ay ang pagsusuot ng kasuutang bumabalot sa buong katawan ng isang babae kapag nasa harap ng mga hindi niya Mahram.
Nagkaisa na ang mga pantas ng Islam na, maliban pa sa mukha at mga kamay, ang buong katawan ng isang babae magmula sa ulo ay kailangang takpan, hindi ipakikita at na tungkulin niyang hindi ilahad ang kanyang kagandahan at pang-akit sa harap ng mga lalaking hindi niya Mahram. Nahati ang mga Iskolar ng Islam sa dalawang pangkat hinggil sa usapin ng mukha at mga kamay.(1) Ang bawat pangkat ay may mga patunay na pinagbabatayan ng kanilang paninindigan. Kaya maraming mga patunay ang lumitaw hinggil sa Hijab, sa tungkuling isuot ito, at sa pagtatakda ng bahagi ng katawan na kailangang takpan. Ang bawat pangkat ay humahango ng patunay sa isang kalipunan ng mga patunay buhat sa maraming mga patunay. Itinutuon naman nila sa iba't ibang mga dako ang mga patunay na lumilitaw na salungat sa kanilang pananaw.
Ito ang Ilan sa Kanilang mga Patunay:
Sinabi ni Allah (33:53): "… At kapag tatanungin ninyo sila hinggil sa isang bagay ay tanungin ninyo sila sa likod ng Hijab. Iyan ang higit na dalisay para sa inyong mga puso at sa kanilang mga puso. …"
Sinabi pa Niya (33:59): "O Propeta, sabihin mo sa iyong mga maybahay at sa iyong mga anak na babae at sa mga kababaihan ng mga Mananampalataya na ilaylay nila ang kanilang mga balabal sa mga katawan nila. Iyan ang lalong angkop nang sa gayon ay makilala sila upang hindi sila pinsalain. At si Allah ay laging Mapagpatawad, Maawain."
Sinabi pa Niya (24:31): "At sabihin mo sa mga babaeng mananampalataya na magbaba sila ng kanilang mga paningin, pangalagaan nila ang kanilang mga puri, huwag nilang ilitaw ang kanilang gayak maliban sa nakalitaw(2) na buhat dito, paabutiin nila ang kanilang mga belo hanggang sa kanilangmga dibdib, huwag nilang ilantad ang kanilang gayak maliban sa kanilang mga asawa,…"
(1) Ang isang pangkat ay nagsasabing kailangang takpan ang mukha at ang mga kamay, samantalang ang ibang pangkat naman ay hindi naniniwalang kailangang takpan ang mukha at ang mga kamay.
(2) maliban sa nakalitaw na: Gaya ng kamay, panlabas na kasuutan, belo, medyas, at mukha. Ang ibang mga pantas ng Islam ay hindi sumasang-ayong ilantad ang kamay at mukha.
Ayon sa Hadith na nagsasaad na si 'A'ishah (RA) ay nagsabi: "Ang mga mananampalatayang babae ay nagdadasal noon kasabay ng Sugo ni Allah (SAS) ng Salah na pangmadaling-araw. At kapag nakapagsagawa na siya ng Taslim, umaalis sila na nakatalukbong ng kanilang mga balabal at hindi sila nakikilala dahil sa kadiliman."
Sa isa pang Hadith na iniulat pa rin ni 'A'ishah (RA): "Ang mga manlalakbay ay napapadaan sa amin noong kami, kasama ng Sugo ni Allah (SAS), ay mga nasa sandali ng Ihram. Kapag nakasabay nila kami, ibinaba sa mukha ng bawat isa sa amin ang kanyang balabal mula sa kanyang ulo. Kapag nalampasan na nila kami, nag-aalis kami [ng takip sa mukha]."
Sa isa pang Hadith ayon pa rin kay 'ء'ishah (RA): "Kaawaan ni Allah ang mga unang kababaihan ng mga Muhajir (1) dahil noong naibaba ni Allah [ang ayah na ito 2]: '… paabutiin nila ang kanilang mga belo hanggang sa kanilang mga dibdib, …,' hinati nila ang kanilang mga balabal at ipinambelo iyon."
Ang mga patunay ay lubhang marami subalit sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw sa usapain ng Hijab, lahat naman ng mga Iskolar ng Islam ay nagkasundo na ipinahihintulot na ipakita ng babae ang kanyang mukha kung talagang kinakailangan gaya rin naman ng pananaw nilang lahat na hindi ipinahihintulot na ipakita ang mukha kapag ang tukso ay pinangangambahang mangyari. Tanggap din pati sa mga nagpapahintulot na ilantad ang mukha na kailangang takpan ng babae ang mukha niya kapag pinangambahan na magkaroon ng tukso sa paglalantad ng mukha. At kay tindi ng pangamba sa tukso sa panahong ito na labis-labis na at laganap na ang katiwalian, dumami na ang mga suwail kay Allah, pinuno na nila ang mga lansangan at ang mga pook, at ang mga mabubuting tao at ang mga nangingilag magkasala ay naging sila naman ang kakaunti.
Ipinagbabawal din ng Islam sa babae ang makihalubilo sa mga kalalakihang hindi niya Mahram. Ang lahat ng ito ay upang pangalagaan ang moralidad, ang pamilya, at ang dangal. Hangad ng Islam ang pag-iingat at ang pagpipinid ng mga pinto ng tukso at ang udyok sa immoralidad. Ang paglabas ng babae, ang kanyang pakikihalubilo sa mga kalalakihan at ang pag-aalis niya ng Hijab ay siyang mga pumupukaw sa tawag ng laman, magpapadali sa pagbibigay ng motibo para gumawa ng krimen, at gagawa sa krimen na madaling maabot. Sinabi ni Allah (33:33): "Manatili kayo sa inyong mga bahay at huwag ninyong itanghal ang inyong alindog gaya ng pagtatanghal ng alindog noong unang panahon ng kamangmangan.…" Sinabi pa Niya (33:53): "… At kapag tatanungin ninyo sila hinggil sa isang bagay ay tanungin ninyo sila sa likod ng hijab. Iyan ang higit na dalisay para sa inyong puso at sa kanilang puso. …"
Mariing ipinagbawal ng Sugo (SAS) ang paghahalubilo ng mga lalaki at mga babae at hinadlangan niya ang lahat ng bagay maaaring mauwi sa paghahalubilo, pati na sa larangan ng mga pagsamba at sa mga pook sambahan. Maaaring mapilitan ang isang babae na lumabas sa kanyang bahay upang pumunta sa isang lugar na may mga lalaki, gaya halimbawa ng pagkuha ng mga pangangailangan at walang isang gagawa niyon para sa kanya, o ng pagtitinda o pagbili upang matiyak na may maipangtutugon sa pangangailangan ng kanyang sarili o ng mga itanataguyod niya, at iba pang mga pangangailangan. Walang masama kapag tulad nito. Kaya nga lamang kailangang isaalang-alang niya ang mga limitasyong iniatang ng Islam kapag nasa labas ng bahay: lalabas siya na suot ang kasuutang inaayunan ng Islam, natatakpan at hindi nakalitaw ang kagandahan niya, at nakahiwalay sa mga lalaki at hindi nakikihalubilo sa kanila.
Kabilang din sa mga pagsasabatas na ginawa ng Islam upang pangalagaan ang pamilya at ang moralidad ay ang pagbabawal na manatili ang isang lalaki sa isang pribadong lugar, halimbawa'y sa isang bahay o silid, kasama ng isang babaeng hindi siya Mahram nito kapag wala itong kasamang asawa o Mahram sapagkat masidhi ang hangad ni Satanas na sirain ang mga kaluluwa at ang moralidad.

No comments:

Post a Comment