Monday, January 25, 2010

Ang Katapatan At Takot kay Allah

.
Ang sabi ni Allah: At walang ipinag-utos sa kanila kundi sambahin nila ng tapat si Allah at Siya lamang ang sundin. ( 98:5)

“Sabihin mo, ‘ Si Allah ang sinasamba ko nang tapat at Siya lamang ang aking sinusunod.’ (39 : 14)

Sabihin mo, ‘ Kung itago man ninyo ang nilalaman ng inyong mga puso o ipahayag ito, malalaman pa rin ito ni Allah.’ (3 : 29 )

Tunay na kay Allah ay walang maitatagong anumang bagay, sa langit man o sa lupa. (3 : 5 )

Ang sabi ni Umar ibn al-Khattab (RA):* “ Narinig ko ang Sugo ni Allah (SAS)** na nagsabing,’ Ang halaga ng mga gawa ay nakabatay sa mga layunin at ang bawat tao ay gagantimpalaan ayon sa kanyang nilalayon, kaya ang sinuman na lumikas alang-alang kay Allah at sa Sugo Nito, ang kanyang paglikas*** ay para kay Allah at sa Sugo Nito. At ang sinuman na lumikas alang-alang sa makamundong bagay upang ito ay makamit o alang-alang sa isang babae upang ito ay mapangasawa, ang halaga ng kanyang paglikas ay ayon sa kanyang ginawa.’

Ayon kay Abu Harayrah (RA), sinabi ng Sugo ng Allah na: Hindi tinitiningnan ni Allah ang inyong mga katawan ni ang inyong mga anyo subalit ang tinitingnan Niya ay ang inyong mga gawa.

Ayon kay Abu Dharr (RA), sinabi ng Sugo (SAS) na: “Ang taong higit na karapat-dapat sa aking pamamagitan sa araw ng paghuhukom ay ang nagsabi ng “LA ILAAHA ILLALLAH” ( walang tunay na Diyos kundi ang Allah) nang tapat mula sa kanyang puso.

Ayon kay Abu Hurayrah (RA), sinabi ng Sugo ni Allah(SAS) na : Matakot kay Allah saan ka man naroon. Pasundan mo ang masamang gawa ng mabuting gawa na bubura rito. Pakitunguhan mo ang mga tao ng mabuting asal.

Ang mga Aral

1. Ang katapatan at ang kondisyon upang matanggap ang mabuting gawa at ang dahilan kung bakit pinararami pang lalo ni Allah ang gantimpala ay nakasalalay dito.
2. Si Allah ay hindi nangangailangan ng katambal sa pagsamba at hindi Niya tatanggapin ang anuman kung hindi rin lamang tapat na ginawa alang-alang sa Kanya. Ito ay batay sa sinabi ni Allah Sa Hadith Al-Qudsi: “Ang sinumang gumawa ng isang gawain alang-alang sa Akin at sa itinatambal niya sa Akin, iiwan ko siya kasama ng kanyang mga ginawa.”
3. Kailangang magkaroon ka ng takot at maging matapat kay Allah sa lahat ng sandali yaman din lamang na walang anumang bagay na nalilingid sa kanya maging sa lupa man o sa langit.

Ang Kahinahunan At Kabaitan

Ang sabi ni Allah: At dahil sa habag mula kay Allah, naging banayad ang iyong pakikitungo sa kanila.At kung nagkataong ikaw ay mabagsik at matigas ang puso, magsisilayo sila sa iyong paligid. ( 3:159 )

Ayon kay A’ishah (RA), sinabi ng Sugo ni Allah (SAS) na : Tunay na si Allah ay mabait at ibig Niya ang kabaitan sa lahat ng bagay.

Ayon kay Ibnu Abbas (RA),ang Sugo ni Allah (SAS) ay nagsabi kay Abul Qays Ashajj (RA) na: Ikaw ay nagtataglay ng dalawang katangiang gusto ni Allah: ang pagtitimpi at ang kahinahunan.

Ayon kay A’ishah (RA), sinabi ng Propeta (SAS) na: Ang anumang bagay ay gumaganda kapag sinamahan ng kabaitan at ito ay pumapangit kapag inalisan ng kabaitan.

Ayon kay Jareer bin Abdullah (RA), sinabi ng Sugo (SAS) na: Ang sinumang napagkaitan ng kabaitan ay napagkaitan ng lahat ng kabutihan.

Ang mga Aral

1. Ibig ni Allah ang kabaitan at ito ang dahilan ng paglapit ng mabuting bagay.
2. Ang kabaitan at kaluwagan sa pakikitungo sa kapuwa ay ilan sa mga katangian ng mga taong karapat-dapat sa paraiso.
3. Mahalaga ang kahinahunan at iwasan ang galit.