Tuesday, October 20, 2009

Ang Kalagayan Ng Babae Sa Islam


Bago natin pag-usapan ang tungkol sa mga karapatan ng babae sa Islam, kailangang linawin muna natin ang ilang mga pananaw sa babae ng ibang mga bansa noon at kung papaano nila siyang tinatrato. Ang mga babae sa mga Griego noon ay naipagbibili at nabibili. Wala siyang anumang mga karapatan sa halip ang lahat ng mga karapatan ay nasa lalaki. Siya ay pinagkakaitan din noon ng karapatang magmana o ng karapatan na mgasiwa ng sariling ari-arian. Sinabi pa nga ng kanilang bantog na Pilosopo na si Socrates: "Ang pagkakaroon ng babae ang siyang pinakamalaking dahilan at pinagmumulan ng pagkasira sa mundo. Ang babae ay nakakawangis ng nakalalasong punong-kahoy na ang panlabas na anyo nito ay maganda subalit sa sandaling nanginain dito ang mga maya, mamamatay kaagad ang mga ito."
Ang mga Romano naman ay naniniwala noon na ang babae ay walang kaluluwa. Wala siyang anumang halaga sa kanila at wala rin siyang mga karapatan. Ang bukang-bibig nila noon ay "Ang babae ay walang kaluluwa." Dahil doon ang mga babae ay naparurusahan sa pamamagitan ng pagbuhos ng kumukulong langis sa kanilang mga katawan at sa pamamagitan ng pagtatali sa kanila sa mga poste. Hindi lamang iyon, itinatali pa nga nila ang mga inosenteng babae sa mga buntot ng mga kabayo at pinatatakbo ang mga ito nang ubod ng bilis hanggang sa mamatay ang mga babae.
Ganoon din ang pananaw ng mga taga-India. At karagdagan pa roon, sinusunog nila ang kapag namatay ang kanyang asawa.
Itinutulad noon ng mga Intsik ang babae sa isang tubig na tumatangay sa kaligayahan at yaman. Ang isang lalaking Intsik noon ay may karapatang ipagbili ang kanyang maybahay at may karapatan din siyang ilibing ito ng buhay.
Ang mga Hudyo naman ay nagtuturing sa babae na isang sumpa dahil siya ang tumukso kay Adan at nag-udyok na kainin ang bunga ng ipinagbabawal na puno. Itinuturing din nilang ang babae ay marumi kapag siya ay nireregla at nagiging marumi ang bahay at ang lahat ng mahawakan niya. Hindi rin siya magmamana ng kahit ano buhat sa kanyang ama kapag siya ay may mga kapatid na lalaki.
Ang tingin naman ng mga Kristiyano noon sa babae ay siya ang pinto ng Demonyo. May isa pang Kristiyanong may mataas na katungkulan sa relihiyong Kritiyano ang nagsabing ang babae ay hindi nauugnay sa lahi ng tao. Nagsabi naman ni San Buenaventura: "Kapag kayo ay nakakita ng isang babae ay huwag ninyong isiping kayo ay nakakita ng isang tao ni isang hayop—ang inyong nakita lamang ay si Satanas mismo at ang tinig na naririnig ninyo ay ang huni ng ulupong."
Ang mga babaeng Inglis, alinsunod sa Pangkalahatang Batas ng Inglatera (English Common Law) hanggang sa kalagitnaan ng nagdaang siglo (ikalabinsiyam na siglo), ay nanatiling hindi ibinibilang na mga mamayan. Wala silang mga karapatang personal at wala ring karapatang magmay-ari ng anumang bagay pati na ang mga damit na kanilang isinusuot. Nagpasya noong 1567 ang Parlamento ng Scotland na ang babae ay hindi pinahihintulutan na pagkalooban ng awtoridad sa anumang bagay. Pinagbawalan naman ng Parlamento ng Inglatera noong panahon ni Haring Henry II ang babae na magbasa ng Bibliya sapagkat diumano siya ay marumi. Noong 586, nagdaos ang mga Pranses ng isang komperensiya upang talakayin kung ang babae ba ay tao o hindi tao. Kinilala nilang ang babae ay tao ngunit siya ay nilikha para paglingkuran ang lalaki. Ang batas ng Inglatera hanggang sa taong 1805 ay nagapapahintulot sa lalaki na ipagbili ang kanyang maybahay, at itinakda pa nga ang halaga ng maybahay sa anim na sterling pennny (kalahati ng schilling).
Sa mga Arabe naman bago dumating ang Islam ang babae ay isang hamak, hindi nagmamana, hindi pinahahalagahan, at walang mga karapatan. Hindi lamang iyon, ang maraming pa sa kanila noon ay naglilibing nang buhay sa kanilang mga anak na babae.
Pagkatapos ay dumating ang Islam upang alisin ang lahat ng kawalang-katarungan na ito sa babae at upang linawin na siya at ang lalaki ay pantay. Kaya naman siya ay may mga karapatan din kung papaanong ang lalaki ay may mga karapatan. Nagsabi si Allah (49:13): "O mga tao, tunay na Kami ay lumikha sa inyo buhat sa isang lalaki at isang babae at gumawa sa inyo na mga bansa at mga lipi upang magkakilalahan kayo. Tunay na ang pinakamarangal sa inyo para kay Allah ay ang higit na nangingilag sa inyo na magkasala. Tunay na si Allah ay Nakaaalam, Nakababatid." Sinabi pa Niya (4:124): "Ang mga gumawa ng mga matuwid—maging lalaki man o babae—habang sila ay sumasampalataya, ang mga iyon ay magsisipasok sa Paraiso at hindi sila gagawan ng kawalang-katarungan ni katiting man." At sinabi pa Niya (:15): "At tinagubilinan Namin ang tao na sa mga magulang ay gumawa ng magaling. …" Nagsabi naman ng Propeta (SAS): "Ang pinakaganap ang pananampalataya sa mga mananampalataya ay ang pinakamaganda ang mga asal sa kanila, at ang pinakamabuti sa inyo ay ang pinakamabuti sa kanilang mga maybahay." Nasasaad din sa Hadith na may isang lalaking nagtanong sa Propeta (SAS): "Sino po sa mga tao ang lalong karapat-dapat sa magandang pakikisama ko?" Nagsabi siya (SAS): "Ang iyong ina." Nagsabi ito: "Pagkatapos ay sino pa po?" Nagsabi muli siya (SAS): "Ang iyong ina." Nagsabi muli ito: "Pagkatapos ay sino pa po?" Nagsabi mula siya (SAS): "Ang iyong ina." Nagsabi muli ito: "Pagkatapos ay sino pa po?" Nagsabi siya (SAS): "Ang iyong ama." Ito, sa maikling salita, ang pananaw ng Islam sa babae.

Ang Pangkalahatang Karapatan
Ang babae ay may mga pangkalahatang karapatan na dapat niyang malaman at kilalanin ng lahat upang kanya itong matamasa nang lubusan kung kailan man niya ito naisin at gustuhin. Ang kabubuan ng mga karapatang ito ay ang sumusunod:
1. Ang karapatang magmay-ari. Ang babae ay may karapatang magmay-ari ng anumang naisin niya (kung kaya niya) gaya ng mga bahay, mga lupain, mga pagawaan, mga pataniman, ginto, pilak, at iba't ibang mga uri ng hayop—maging siya man ay isang maybahay o isang ina o isang anak o isang kapatid.
2. Ang karapatang mag-asawa, pumili ng asawa, tumutol na ipakasal sa lalaking ayaw niya, at humingi ng diborsiyo kapag nagdurusa sa piling ng asawa. Ang mga ito ay mga karapatang napagkaisahan ng mga pantas ng Islam na nauukol sa babae.
3. Ang karapatang matuto ng lahat ng kanyang kailangan tulad ng kaalaman tungkol kay Allah, kaalaman tungkol sa pagsamba sa Kanya at kung papaanong isasagawa ang mga ito, at kaalaman tungkol sa mga tungkuling kailangang gampanan niya, mga kagandahang asal ukol sa kanya, at mga pag-uugaling mahusay na kailangan taglayin niya. Batay ito sa pangakalahatang kauutusang nasasaad sa sinabi ni Allah (47:19): "Kaya dapat na malaman mo na walang Diyos kundi si Allah, …" at sa sinabi ng Sugo (SAS): "Ang paghahanap ng kaalaman ay tungkulin ng bawat Muslim at Muslimah."
4. Ang karapatang magkawanggawa ng anumang naisin niya buhat sa ari-arian niya at gumugol buhat dito para sa sarili niya at para sa kanino mang naisin niya gaya ng asawa, mga anak, at mga magulang hangga't hindi humahantong ang paggugol sa pag-aaksaya. Ang nauukol sa kanya sa sa usaping iyon ay ang nauukol din sa lalaki.
5. Ang karapatang magmahal at masuklam: may karapatan siyang mahalin ang mga matutuwid na babae, dalawin, sila pagkalooban sila ng regalo. Maaari rin niya silang sulatan, alamin ang kanilang kalagayan at aliwin sa kanilang dalamhati. Karapatan niyang kasuklaman at kamuhian ang mga babaeng tiwali at iwasan sila alang-alang kay Allah.
6. Ang karapatang maghabilin ng hanggang sa ikatlong bahagi (1/3) ng kanyang ari-arian habang nabubuhay pa at ipatutupad naman sa kanyang pagyao nang walang pagtutol sapagkat ang paghahabilin ay personal na karapatan ng lahat. Kung paanong ito ay maaari sa lalake, maaari rin sa babae sapagkat walang sinuman ang hindi mangangailangan ng gantimpala ni Allah. Ngunit sa kundisyong hindi niya—at gayon din ang lalaki—palalampasin ang habilin sa ikatlong bahagi (1/3) ng kabuuan ng personal na ari-arian. Karagdagan pa rito, may karapatan din ang babae na magmana sa maiiwang ari-arian ng kanyang magulang, asawa, at mga kamag-anak.
7. Ang karapatang magsuot. May karapatan siyang isuot ang anumang maibigan niya gaya ng seda at ginto—na ipinagbawal sa mga kalalakihan—ngunit wala siyang karapatang maghubad ng kasuutan, mag-alis ng damit, magsuot ng maiiksing damit, o mag-alis ng belo sa ulo, o palitawin ang leeg at dibdib maliban kung ang kanyang asawa lamang ang kanyang kapiling.
8. Ang karapatang magpaganda para sa asawa. Maaari siyang gumamit ng eye-liner, pulbos, lipstick at iba pang make-up kung ibig niya; magsuot ng pinakamaganda at pinakamagandang hiyas maliban sa mga damit na kilalang gamit ng mga hindi Muslimah o kilalang gamit ng mga kalapating mababa ang lipad, hindi niya isusuot ang mga ito upang maiwasang mapagdudahan.
9. Ang karapatan sa pagkain at inumin. Maiinom at makakain niya ang masarap at mabuti para sa kanya. Walang ipinagkaiba ang babae sa lalaki pagdating sa pagkain at inumin. Ang anumang ipinahintulot na pagkain at inumin ay kapwa ipinahihintulot sa mga lalaki at mga babae at ang anumang ipinagbawal sa mga ito ay kapwa bawal sa lalaki at babae. Sinabi ni Allah (7:31): "… At magsikain at magsiinom kayo ngunit huwag mag-aksaya; tunay na Siya ay hindi nagmamahal sa mga nag-aaksaya." Ang talatang ito ay angkop sa kapwa babae at lalake.

Ang mga Karapatan ng Babae sa
Kanyang Asawa
Kabilang sa mga natatanging karapatan ng babae ay ang kanyang mga karapatan sa kanyang asawa. Ang mga karapatan na iyon ng babae ay katumbas ng mga itinakdang tungkulin niya sa kanyang asawa. Ang mga ito ay ang tulad ng pagsunod sa asawa sa mga bagay na hindi pagsuway kay Allah o sa Sugo Niya (SAS), paghahanda ng kanyang pagkain at inumin, pag-aayos ng bahay, pagpapasuso sa mga anak nito at pag-aalaga sa kanila, pangangalaga sa kanyang mga ari-arian at karangalan, pagkalinga sa kanyang sarili, pagpapaganda at paggamit ng pampaganda para sa ikasisiya ng asawa, na mga ipinahihintulot na iba't ibang uri ng mga pampaganda.
Ito naman ang ilan sa mga karapatan ng babae na tungkuling gampanan ng lalaki sa kanya batay sa sinabi ni Allah (2:228): "… At sila na mga babae ay may karapatang katulad ng tungkulin nila ayon sa kung ano ang makatuwiran; …" Babanggitin natin ang mga ito upang malaman ng isang Muslimah at hilingin ang mga ito sa kanyang asawa nang walang halong hiya at pangamba. Tungkulin naman ng asawa na ibigay ang mga ito nang buo sa kanyang maybahay maliban na lamang kung ipagpaparaya niya ang iba pa niyang mga karapatan sapagkat karapatan niya rin iyon.
1. Ang pagsustento sa maybahay ayon sa kalagayan ng asawa: sa kagipitan man o sa kaginhawahan. Nasasakop ng sustento ang kasuutan, pagkain, inumin, gamot, at tirahan.
2. Ang pangangalaga sa kanya: sa karangalan niya, sa katawan niya, sa ari-arian niya, at sa relihiyon niya, yaman din lamang na ang asawa ang tagapangalaga ng maybahay, at ang tungkulin ng tagapangalaga ng anuman ay ang pag-ingatan ito at ang pangalagaan ito.
3. Ang pagtuturo sa kanya ng kinakailangang mga kaalaman tungkol sa pananampalataya. Kung hindi kaya ng asawa na gawin iyon, pahihintulutan ito na matuto sa pamamagitan ng pagdalo sa mga aralin para sa mga kababaihan na idinaraos sa mga Masjid, sa mga paaralan o sa iba pang lugar kung may katiyakang walang mangyayaring masama, kapinsalaan sa kanya at sa asawa.
4. Ang mabuting pakikitungo sa kanya sapagkat ang sabi ni Allah (4:19): "…At pakitunguhan ninyo sila ayon sa kung ano ang nakabubuti. …" Kabilang din sa mabuting pakikitungo sa kanya ay hindi ipagkakait sa kanya ang pangangailangan niyang seksuwal, at hindi siya sasaktan sa pamamagitan ng panlalait o pag-insulto o paghamak o pagmaliit. Bahagi pa rin ng mabuting pakikitungo sa maybahay ay hindi siya pipigilang dumalaw sa mga kamag-anak niya kung walang kinanatatkutan na masamang maaaring mangyari sa kanya, hindi siya aatangan ng gawaing niya makakaya, at maging mabuti sa kanya sa salita at sa gawa sapagkat ang sabi ng Sugo (SAS): "Ang higit na mabuti sa inyo ay ang higit na mabuti sa kanyang maybahay, at ako ang higit na mabuti sa inyo sa aking maybahay." at ang sabi pa niya: "Walang nagpaparangal sa mga babae kundi marangal at walang humahamak sa kanila kundi hamak."